Ngayong araw, pormal nang naghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) ang buong lineup ng “Team Zamboanga” sa huling araw ng COC filing sa isang lokal na mall sa Zamboanga City. Pinangunahan ang lineup ni 1st District Congressman Khymer Olaso, na opisyal na tumatakbo para sa posisyon bilang alkalde ng lungsod sa darating na Halalan 2025. Kasama niya bilang running mate si dating Mayor Ma. Isabelle “Beng” Climaco Salazar, na tatakbo naman bilang bise alkalde.
Kumpleto rin ang kandidato ng “Team Zamboanga” para sa mga congressional seats ng lungsod. Ang kapatid ni Congressman Olaso na si Khyser Olaso ay maghahain ng kanyang kandidatura para sa posisyon ng 1st District Congressman. Samantala, si Kapitan Jerry “Totong” Perez ang magiging pambato ng partido para sa pagka-2nd District Congressman.
Mainit na sinalubong ng kanilang mga taga-suporta ang bawat miyembro ng lineup, na nagpakita ng matinding suporta at tiwala sa kanilang mga kandidato. Ang tambalan nina Olaso at Climaco Salazar ay nagbigay-diin sa kanilang layunin na isulong ang mas progresibo at inklusibong pamamahala sa Zamboanga.
Ang bawat miyembro ng “Team Zamboanga” ay nagpakita ng kanilang dedikasyon na itaguyod ang interes ng lungsod at palakasin ang serbisyo publiko, pag-unlad, at seguridad.